Hinamon ng distributor ng dalawang brand ng glutathione ang Bureau of Food and Drugs (BFAD) na magsagawa ng independent tests at inspeksyunin ang mga pasilidad ng dalawang laboratoryo na nag-eksamin sa kanilang mga produkto upang mabatid kung sino sa mga ito ang kuwalipikado para magsagawa ng “glutathione tests”.
Ang dalawang laboratoryo ay ang Adamson University Technology Research and Development Council (AUTRDC) at Ateneo-based Philippine Institute of Pure and Applied Chemistry (PIPAC).
Ang hamon ay ibinigay ng United Shelter Heath Products, distributor ng Lucida-DS at Vaniderm dietary supplement, kasunod ng kautusan ng BFAD na bawiin ang kanilang produkto sa merkado base sa umano’y resulta ng PIPAC na ang mga ito ay walang glutathione content base sa sina sabi nila sa kanilang mga labels.
Kaiba naman ito sa pagsusuri ng AUTRDC na may 14.72 mg ng glutathione ang Lucida-DS habang 498.69 mg ang Vaniderm.
Sinabi ni Dr. Lydia Crisostomo, Chief ng AUTRDC na hindi puwedeng balewalain ang resulta ng pagsusuri dahil may kakayahan sila sa pagsasagawa nito.
Ayon pa sa kanila, tinanggap at kinilala ng BFAD ang kanilang pagsusuri sa mga nasabing produkto. (Danilo Garcia)