Sinalakay kamakalawa ng Presidential Anti-Smuggling Group ang dalawang bodega sa Tondo, Manila na nakumpiskahan ng milyun-miyong halaga ng mga produktong nagmula sa China at Hong Kong.
Isinagawa ng PASG ang pagsalakay dahil sa impormasyon na iniimbak sa naturang mga bodega ang mga kargamentong ipinuslit sa Port of Manila. Bunsod ito ng dalawang linggong surveillance ng PASG operatives sa pamumuno ni P/Supt. Johnny Bacbac.
Libu-libong kahon ng puslit na sapatos ang nakumpiska sa isang bodega sa 166 Taliba St., San Rafael Village, Tondo na pinamamahalaan umano ng C. Marketing at pag-aari ng isang Annie Co. Walang naipakitang papeles si Co para sa ligalidad ng mga kargamento.
Kasunod nito, sinalakay ng PASG ang isa pang bodega sa 176 Taliba na pag-aari ng isang James Lim at nakuhanan ng mga garment, kitchen wares, sapatos, furniture at motorsiklo.
“Importers are given the privilege to pay minimal taxes provided their goods will not be for local market. They should export their goods. But we found out that many businessmen instead diverted their importation to the local market without paying the right taxes,” pahayag ni PASG Head Usec. Antonio “Bebot” A. Villar, Jr. (Butch Quejada)