Tigil pasada inatras na ng transport groups
Kasabay ng pasasalamat sa gobyerno ng mga lider ng transport organizations sa ilalim ng United Transport Koalisyon (1 UTAK) ay hindi na rin nila itutuloy ang nakatakdang malawakang tigil pasada dahil hindi na ililipat ng Department of Transportation and Communications (DoTC) sa Government Servce and Insurance System (GSIS) ang pag-iisyu ng Comprehensive Third Party Liability (CTPL) insurance sa mga Public Utility Vehicle (PUVs).
Ayon kay Zeny Maranan, miyembro ng koalisyong 1 UTAK at presidente ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) matapos ang marathon meeting sa pagitan nina DoTC secretary Leandro Mendoza at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Thompson Lantion, napagpasyahan na hindi na isusulong ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng GSIS at DoTC na dapat ay solong hahawakan ng GSIS ang issuance ng CTPL insurance partikular sa mga pampublikong sasakyan.
Sa halip aniya ay mananatili ang two-group system na kung saan ang kumpanyang Passenger Accident Managers Insurance (PAMI) at Universal Transport Accident Solutions Inc. (UNITRANS) ang kikilalanin ng buong transport sector dahil sa programa ng dalawang nabanggit na kumpanya na “All Risk No Fault Coverage” kung kayat wala ng dahilan upang ituloy pa ang naka ambang transport strike.
Sa ilalim ng “All Risk No Fault Coverage” ang bawat beneficiary ay agad makakakuha ng P400,000 insurance benefits, bayad agad ang claims sa loob ng 5 araw, may 24/7 ready ambulance, may bail bond na P20,000 sakaling makulong ang mga tsuper sa di inaasahang aksidente.
Samantala sinabi naman ni ACTO president Efren de Luna, bagamat may anunsiyo na ititigil ang nakaambang transport strike ay hindi nangangahulugan na nagkakalimutan na sa iba pang isyu na ipinaglalaban ng mga transport groups tulad ng ipinangako ng gobyerno na P2 oil subsidy, ang panawagang alisin ang pataw na 12% EVAT sa mga produktong petrolyo. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending