Tuloy ang eleksiyon sa darating na Agosto 11, 2008 sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa kabila ng panawagan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na suspendihin ito at isagawa na lamang matapos ang peace talks sa pagitan nila at ng pamahalaan.
Ayon sa tagapagsalita ng Commission on Elections (Comelec) na si Atty. James Jimenez, hindi sila maaring magsuspinde ng halalan o ipagpaliban ito dahil kailangan nilang isagawa ang itinakdang eleksiyon sa ARMMM alinsunod sa batas, na isagawa ito kada-taon.
Pinayuhan ni Jimenez ang MILF na sa Kongreso ito umapela para mabago ang itinakda ng batas.
Para aniya sa Comelec, mahalagang matuloy ang ARMM elections dahil ito ang magiging batayan sa isasagawang full automation ng eleksiyon sa 2010.
Gayunman, kinumpirma ni Jimenez na tuloy na tuloy naman ang automation sa 2010 elections at pagpipiliang gamitin ang Optical Mark Reader at ang Direct Recording Electronic.
Siniguro rin ni Jimenez na ang mga voting at counting machine ay handang-handa na para sa nalalapit na halalan matapos ang masusing pagsusuri o quality assurance tests. (Ludy Bermudo)