Dapat munang kumuha ng work permit ang salvage team na napiling mag-ahon ng tumaob na MV Princess of the Stars bago umpisahan ang kanilang trabaho.
Sinabi ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan na kung papasok sa bansa ang Titan Salvage bilang mga temporary visitors ay kailangan nilang dumaan sa ahensiya. Ang Titan Salvage ang napili ng pamunuan ng Sulpicio Lines para i-retrieve ang mga kemikal at mga bangkay at upang mag-ahon na rin ng tumaob na barko.
Nilinaw ni Libanan na hindi makakaapekto sa pangakong 60-day maximum operation ng Titan Salvage ang pagpoproseso ng kanilang working visa dahil mabilis naman umano itong maaprubahan.
Maaari din umanong ang nag-sponsor sa kanila sa pagtungo dito sa Pilipinas ang maghain ng aplikasyon sa BI para sa work permit ng mga dayuhan.
Giit pa ni Libanan na bagamat malayang makaka pasok sa bansa ang mga naturang dayuhan dahil sa pagkakaroon ng kasunduan sa pagitan ng Singapore at Pilipinas kaugnay sa Visa Free entry ay ibang usapin naman umano ang isyu ng pagtatrabaho ng mga ito sa bansa. (Gemma Garcia)