Mga pasahero ng barko lagyan din ng ‘name tag’ – Gordon
Matapos maghain ng panukalang batas na naglalayong gawing mandatory ang pagsusuot ng name tag para sa mga mangingisda upang madaling makilala ang mga ito sakaling lumubong ang kanilang sinasakyang bangka o fishing vessel, iginiit naman ni Sen. Richard Gordon na dapat magkaroon na rin ng “name tag” o bracelet na maaaring pagkakilanlan ang mga pasahero ng barko.
Ayon kay Gordon, kung gagawing mandatory ang pagsusuot ng name tag o bracelet kung saan naka sulat ang mga detalye ng mga pasaherong sumasakay ng barko, hindi na magiging mahirap ang pagkilala sa mga ito sakaling magkaroon ng sakuna sa sinasakyan nilang barko.
Sinabi ni Gordon na kalimitan na nagiging problema ang pagkilala sa mga bangkay ng biktima lalo na’t kung naaagnas na ang mga ito.
Kung mayroon aniyang name tag o bracelet na suot ang mga pasahero mas magiging madali para sa pamilya ng mga biktima ang pag-uwi sa bangkay ng kanilang mga kamag-anak.
Naniniwala rin si Gordon na kaakibat na ang panganib sa paglalayag sa karagatan lalo na’t kung may bagyo o masama ang panahon.
Bukod sa pangalan ng pasahero, ilalagay din sa name tag ang blood type ng biktima at religious affiliation nito upang mailibing kaagad kung kinakailangan. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending