Lab test sa produktong pampaputi gustong ipaulit ng US firm
Nakatakdang i-challenge ng US-based ma nufacturer ng dalawang kilalang brand ng glutathione at health supplement sa bansa, ang resulta ng laboratory test na isinagawa sa kanilang produkto ng isang local testing facility, na siya namang ginamit na basehan ng Bureau of Food and Drugs (BFAD) upang ipa-recall ang ilang batch ng kanilang mga produkto sa merkado.
Ayon sa Yuminikodeni Enterprise, distributor ng Vaniderm at United Shelter Health Products na distributor naman ng Lucida-DS Dietary Supplements, darating sa bansa ang mga respetadong eksperto mula sa Estados Unidos upang makipagpulong kay Health Sec. Francisco Duque III at pormal na hilingin na magsagawa ng bagong serye ng mga test sa kanilang mga produkto.
Ang mga eksperto mula sa US na nabatid na pangungunahan ng chemist na si David Ji, ay nabatid na makikipagkita rin kay US Ambassador Kristie Kenney upang pag-aralan ang posibilidad nang paghahain ng pormal na diplomatic protest kaugnay sa kontrobersiya sa dalawang brand ng naturang glutathione products.
Ang ilang batch ng produkto ng Vaniderm at Lucida-DS ay pina-recall ng BFAD makaraang hindi umano pumasa sa isinagawang pagsusuri ng lokal na mga eksperto sa bansa.
Gayunman, agad na nagpalabas ng paglilinaw kahapon ang BFAD na hindi ban ang mga produkto ng Vaniderm at Lucida-DS sa halip ay pinapa-recall lamang ang ilang batch na hindi pumasa sa laboratory test.
Sa kabila ng mga black propaganda, napanatili ng dalawang produkto ang kanilang ‘reputable standings’ sa industriya ng health supplement sa bansa. (Mer Layson)
- Latest
- Trending