Inireklamo kahapon ng mga pribadong paseguruhan ang pagkopo umano ng Government Service Insurance System sa pagseseguro sa may 5.5 milyong sasakyan na ipinarerehistro taun-taon ng Land Transportation Office.
Ayon kay Salvador Natividad, presidente ng mga Bukluran ng Manggagawa sa Industriya ng Seguro, gagawing gatasan ng administrasyon ang mga motorista para makalikom ng malaking pondo para sa papalapit na 2010 elections.
Pinuna ni Natividad na “pera” at hindi ang kati walian na talamak ngayon sa industriya ang dahilan sa desisyon ng gobyerno na gawing monopolyo ng GSIS ang insurance para sa mahigit na 5.5 milyon mga sasakyan na inirerehistro kada taon sa LTO.
Ang BMIS ay isang malaking grupo sa industriya ng insurance na pormal na umapela sa Malacanang na ibasura ang Department Order 2007-28 na nilagdaan ni Department of Transportation and Communications Secretary Leandro Mendoza.
Ayon sa insurance brokers, mahigit sa 60,000 katao ang direktang mawawalan ng trabaho sa kautusang ito at daan-libong iba pa ang magugutom sakaling magsara ang may 90 insurance companies.
Isa umanong malaking kilos protesta sa Huwebes sa harap ng Insurance Commission ang ikinakasa ng mga apektadong grupo sa bagong direktiba ng DOTC.