Umaabot na sa 864 undocumented overseas Filipino workers (OFW) na nagpapanggap na mga turista ang pinagbawalang lumabas ng bansa sa Diosdado Macapagal International Airport (DMIA).
Base sa ulat ni Romeo Dime, Regional director ng DMIA kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Marcelino Libanan, ang mga nasabing OFW ay hindi pinaalis dahil sa kawalan ng kaukulang clearance mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) dahil ang kanilang layunin sa pagtungo sa ibang bansa ay magtrabaho.
“Most of them presented bogus documents such as fake letters of invitation or affidavits of support from their alleged friends and relatives in the countries where they intended to go and work,” ayon pa kay Dime.
Karamihan umano sa mga OFW ay patungong Malaysia at pinaniniwalaang biktima ng illegal recruitment.
Naalarma naman si Libanan dahil sa ulat na ang DMIA ang siyang ginagamit ng mga illegal recruiters at human traffickers na siyang exit points ng kanilang mga biktima.
Nakatanggap din umano ng ulat si Libanan na karamihan sa mga biktima ng illegal recruitment ay nasasadlak lamang sa prostitusyon at biktima ng pang-aabuso sa pinupuntahan nilang bansa. (Gemma Amargo-Garcia)