Walang kasalanan ang asawa ko! Palayain niyo na siya!
Ito ang mangiyak-ngiyak na sinabi ni Leah Gomolon, asawa ni Ricardo “Egdar” Gomolon, suspek sa Cabuyao Laguna RCBC massacre nang humarap sa media kamakailan.
Sinabi ni Mrs. Gomolon na walang kinalaman ang kanyang asawa sa naganap na krimen dahil noong hulihin umano ito noong Mayo 24 ng taong ito, nakapila lamang ito sa isang tindahan para bumili ng NFA rice at basta na lamang dinala ng mga awtoridad sa kasong illegal possession of firearms.
Hindi rin anya makatwiran ang ginawang pagprisinta sa media ng mga pulis sa kanyang asawa gayung wala naman itong kinalaman sa RCBC massacre.
Niliwanag naman ng abogado ni Gomolon na si Atty. Jose Solis, na makaraang makapagpiyansa si Richard sa kasong illegal possession of firearms, bigla na lamang siyang inakusahan sa RCBC massacre.
Anya, itinuro lamang ng umano’y informant na si Gomolon ang isa sa mga nasa likod ng natu rang krimen kaya hinahanap nila ngayon ang informant na ito. Kinuwestyon din ni Solis kung bakit naisama si Gomolon sa mga suspek sa masaker gayung naituro lamang ng isang bata ang litrato nito at hindi man lamang napagbigyan na personal na maituro ito ng bata na sinasabing nagsangkot kay Gomolon sa krimen. (Angie dela Cruz)