Hindi umano sagot sa pag-iwas sa trahedya sa dagat ang pagbabawal sa paglalayag ng mga barko base sa typhoon signal ng isang bagyo, kundi ang pagbibigay ng karampatang technical know-how at kredibilidad ng mga namamahala at tauhan sa industriya ng shipping.
Sa pahayag ni Congressman Alvin Sandoval ng lone district ng Malabon/Navotas, sinabi niya na ang ganitong pagbabawal sa mga barkong lumayag ng inter-island sa oras na may bagyo ay magbubunga ng kamatayan ng maritime industry ng ating bansa.
Ayon kay Sandoval, ang pagbabawal sa Sulpico Lines upang maglayag ay hindi isang mabuting hakbang dahil 30 porsiyento ng local shipping industry ay mula sa nasabing kumpanya. Malaki anya ang mawawala sa kaban ng pamahalaan kung patuloy na ipagbabawal ang operasyon nito.
Aniya, ang Professional Regulatory Commission ang nararapat magpatupad ng mahigpit na patakaran para masiguro na pawang “deserving examinees” lamang ang makakapasa at mabibigyan ng karampatang lisensiya.
Idiniin niya na ang pagpapataas sa uri ng mga weather forecasting equipment ng cargo ships, passenger ships, super tankers at ibang pang sasakyang pandagat ay isa sa mga dapat gawing hakbang upang mabigyan ng sapat na kaalaman ang kapitan ng barko na maunawaan ang lagay ng panahon.
Ipinanukala rin ni Sandoval, nakapagtapos ng kursong Bachelor of Science in Marine Engineering sa State University of New York, ang pagbuo ng isang shipping fund na sasa gutin ng nagmamay-ari ng mga sasakyang pandagat upang magamit sa mga sakunang maaari nitong kasangkutan.
Ang nasabing pondo ay maire-reimburse mula sa mga insurance companies. (Butch Quejada)