Agimat, may dalang buenas at malas

Bagaman maraming Pinoy ang bilib sa dalang pampabuenas ng amulet o agimat mula sa bala ng baril, nagbabala naman si Chief Supt. Atilano Mo­rada, Chief ng PNP-Aviation Security Group (PNP-ASG) sa kamalasang idudulot nito sa sinuman sa sandaling ma­ hulihan sa mga palipa­ran sa bansa at sa ibayong dagat.

Sa ginanap na linggu­hang Talakayan sa Isyung Pampulis (TSIP) sa Camp Crame, muling pinayuhan ni Morada ang publiko na huwag magsusuot ng mga amulet o bala ng baril sa kuwintas o pul­seras dahil may katapat itong kaparu­sahan sa ilalim ng batas.   

Inihayag ni Morada na ang pagdadala ng bala ng baril bilang pampabuenas umano at bomb joke ang mga nangungunang pag­labag na nakikita ng PNP-ASG sa mga pasahero ng eroplano.

Aniya, hindi biro ang pag­dadala ng kahit isang piraso ng bala sa panini­walang ito’y pampasu­werte gayong kulong ang katapat nitong parusa dahil sakop aniya ito sa kasong pag­la­bag sa illegal possesion of firearms and ammunition.

Samantala, kung bomb­ joke naman ay apat na taong pagkakulong ang kaparusahan nito bukod pa sa P40,000 multa.

Sa tala ng PNP-ASG, sinabi ni Morada na 10 kaso ng bomb joke na ang  nangyari sa may 85 palipa­ran ng Pilipinas kabilang rito ang isang French national na hang­gang ngayo’y hindi pa rin nakakaalis sa bansa dahil sa ginawa nitong pag­bi­birong may bomba ang kanyang dalang bagahe.

Aabot naman sa li­mang agimat na bala ang kani­lang nakukumpiska kada araw kung saan mga Pinoy ang karami­hang nasasa­kote.

Samantala, umaabot naman sa P629M perang naiwanan ng mga pasa­hero ang kanilang naiba­lik sa mga ito simula lamang nitong Enero. (Joy Cantos)

Show comments