Agimat, may dalang buenas at malas
Bagaman maraming Pinoy ang bilib sa dalang pampabuenas ng amulet o agimat mula sa bala ng baril, nagbabala naman si Chief Supt. Atilano Morada, Chief ng PNP-Aviation Security Group (PNP-ASG) sa kamalasang idudulot nito sa sinuman sa sandaling ma hulihan sa mga paliparan sa bansa at sa ibayong dagat.
Sa ginanap na lingguhang Talakayan sa Isyung Pampulis (TSIP) sa
Inihayag ni Morada na ang pagdadala ng bala ng baril bilang pampabuenas umano at bomb joke ang mga nangungunang paglabag na nakikita ng PNP-ASG sa mga pasahero ng eroplano.
Aniya, hindi biro ang pagdadala ng kahit isang piraso ng bala sa paniniwalang ito’y pampasuwerte gayong kulong ang katapat nitong parusa dahil sakop aniya ito sa kasong paglabag sa illegal possesion of firearms and ammunition.
Samantala, kung bomb joke naman ay apat na taong pagkakulong ang kaparusahan nito bukod pa sa P40,000 multa.
Sa tala ng PNP-ASG, sinabi ni Morada na 10 kaso ng bomb joke na ang nangyari sa may 85 paliparan ng Pilipinas kabilang rito ang isang French national na hanggang ngayo’y hindi pa rin nakakaalis sa bansa dahil sa ginawa nitong pagbibirong may bomba ang kanyang dalang bagahe.
Aabot naman sa limang agimat na bala ang kanilang nakukumpiska kada araw kung saan mga Pinoy ang karamihang nasasakote.
Samantala, umaabot naman sa P629M perang naiwanan ng mga pasahero ang kanilang naibalik sa mga ito simula lamang nitong Enero. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending