Nagsisimula nang bu maba ang halaga ng commercial rice sa mga pamilihan na halos umabot sa P2 sa buong bansa kahit tag-ulan na ngayong buwan.
Sa kanyang ulat kay Agriculture Secretary Arthur Yap, sinabi ni Director Romeo Recide ng Bureau of Agricultural Statistics (BAS) na habang matatag na ang presyo ng bigas sa Metro Manila, ang halaga ng butil sa iba’t ibang rehiyon ay bumaba na ng halagang P2 kada kilo batay sa monitoring noong nakaraang linggo.
Kaugnay nito, sinabi ni NFA Administrator Jessup Navarro na ang pagbaba ng halaga ng bigas na iniulat ni Recide ay resulta ng selective bombardment strategy na naipatupad ng ahensiya sa utos ni Pangulong Arroyo at Secretary Yap.
Sinabi ni Yap na ang pagbagsak ng presyo ng bigas ay mahalaga dahil tuwing panahon ng tag-ulan ang halaga ng butil sa retail ay paiba-iba sa panahon ng lean months.
Kaugnay nito, sinabi ni Yap na patuloy na sapat ang suplay ng bigas sa bansa at walang magaganap na pagkakulang dito.
Ang NFA ay may 350,000 metric tons ng laang bigas kada buwan upang patuloy na ma stabilized ang suplay ng butil at maibaba ang halaga nito sa ibat ibang mga pamilihan sa bansa.
Ang NFA rice ay nananatili sa halagang P18.25 a kilo at ang commercial varieties naman ng butil ay pumapalo sa halagang mula P25 hanggang P35 kada kilo mula pa noong buwan ng Hunyo hanggang kasalukuyan. (Angie dela Cruz)