Matapos ang halos limang taong paglilitis, dinismis na kahapon sa serbisyo ang 11 junior officers ng Magdalo Group matapos mapatunayang guilty sa kasong Oakwood mutiny noong 2003 sa Makati City.
“The 11 accused officers listed below are adjudged guilty beyond reasonable doubt… this general court martial voted unanimously and hereby imposes the following sentence upon the 11 accused AFP officers listed above to discharge from the military,” ayon kay AFP-General Court Martial (GCM) President Major Gen. Nathaniel Legaspi.
Ang hatol sa mga akusado ay kaugnay sa paglabag sa Articles of War (AW) 96 conduct unbecoming an officer and a gentleman.
Kinilala ang mga ito na sina Captain Gary Alejano at 2nd Lt. Jonnel Sanggalang ; pawang ng Philippine Marines; Lieutenants Senior Grade James Layug, Eugene Gonzales, Andy Torrato, at Manuel Cabochan, Lieutenant Junior Grade Arturo Pascua, at Ensign Armand Pontejos mula sa Navy; Capt. Segundino Orpiano, at First Lts. Francisco Ashley Acedillo at Billy Pascua, pawang mula sa Phil. Air Force.
Tanggap naman ng mga akusado ang hatol ng GCM at ayon kay Layug ay hindi nila pinagsisihan ang kanilang ginawa.
Gayunman, sinabi ni Legaspi na ang nasabing hatol ay pinal lamang kung pagtitibayin at aaprubahan ito ni Pangulong Arroyo. (Joy Cantos)