Mistulang kinain ng piranha ang apat na bangkay ng MV Princess of the Stars na natagpuang wala ng mga ulo, ari at halos buto na lamang ang natira matapos umanong papakin ng mga isda ng mapadpad sa Aroroy, Masbate.
Sa report ni Insp. Flutarco Margegia, hepe ng Aroroy Municipal Police Station (MPS), tatlo sa mga bangkay ay nakita sa Brgy. Sawang at ang wala ng aring bangkay ng lalaki ay natagpuan naman sa bahagi ng karagatan ng Brgy. Matungod naturang bayan.
Hindi na makilala ang mga bangkay at naaagnas na kaya nagpasya ang mga opisyal doon na ilibing na dahil napakabaho na at posibleng magdala pa ng sakit sa mga residente ng Aroroy.
Samantala, 10 pang bangkay ang narekober sa bahagi ng karagatan ng Sibuyan Island kung saan umaabot na ngayon sa 28 ang narekober sa lugar.
Una rito ay 20 bangkay ang inanod sa dalawang magkahiwalay na isla ng Romblon nitong Huwebes ng umaga. Ito na ang pinakamaraming bilang ng mga patay na natagpuan sa probinsya sa loob ng isang araw. Paniwala ng ilang residente, nagbago kasi ang ihip ng hangin kaya napadpad dito ang mga bangkay.
Problema ngayon ng mga lokal na opisyal ang banta sa kalusugan na dulot ng mga nabubulok na bangkay. Ayon sa kanila, kung hindi ito makukuha agad ng Coast Guard at Sulpicio Lines, mapipilitan silang ilibing ang mga katawan.
Batay sa tala ay umaabot pa lamang sa 56 ang mga nakaligtas mula sa naturang trahedya at daan-daan pa ang nawawala.
Lulan ng barko ang 826 pasahero at crew ng maganap ang sakuna.