Takeover ng gov’t sa Sulpicio sinupalpal
Dapat munang palakasin ng gobyerno ang maritime industry kaysa pag-isipan ang pag-takeover sa Sulpicio Lines.
Ito ang sinabi kahapon ni Sen. Pia Cayetano sa gitna nang posibleng pag-takeover ng pamahalaan sa pamamahala ng Sulpicio Lines, ang may-ari ng MV Princess of the Stars.
Ayon kay Cayetano, maliwanag na mahina pa ang maritime industry sa bansa dahil na rin sa mga malalagim na trahedya sa karagatan na naganap sa Pilipinas.
Bagaman at may kapangyarihan naman aniya ang gobyerno na i-take over ang isang pribadong kumpanya, hindi pa rin ito aniya ang solusyon sa problema sa paglalayag sa bansa.
Naniniwala si Cayetano na mahalagang matukoy kung sino ang dapat ma nagot upang mabawasan ang kapabayaan sa paglalayag.
Isang palpak na mungkahi aniya ang planong pag-takeover dahil aniya hindi pa rin mabibigyan ng seguridad ang pag lalayag ng iba pang mga shipping lines, kung sakaling ang gobyerno na ang mamamahala sa Sulpicio Lines.
Ipababasura din ng Kamara ang balak na pagkontrol ng gobyerno sa operasyon ng Sulpicio.
Sinabi ni House Speaker Prospero Nograles, hindi trabaho ng gobyerno ang magnegosyo kundi ang magbigay ng serbisyo sa mamamayan.
Ayon kay Nograles, kailangan higpitan ang monitoring sa operasyon ng nasabing kompanya keysa sila ang magpatakbo nito.
Ang Sulpicio Lines kasi ay may komokontrol ng halos 40 porsiento ng domestic shipping sa buong kapuluan. (Malou Escudero/Butch Quejada)
- Latest
- Trending