Smith inilipat sa container van
Nakakulong ngayon sa loob ng isang 40-foot na container van sa loob ng United States Embassy sa Maynila ang sentensyadong rapist na sundalong Amerikanong si Marine Lance Corporal Daniel Smith matapos gibain ang gusaling dati niyang kinakukulungan.
Sinasabi sa ulat kahapon ni Department of Interior and Local Government Undersecretary for Public Safety Atty. Marius Corpus, nalaman niyang nakakulong sa loob ng container van si Smith nang bisitahin niya ito kamakailan.
Maayos pa rin naman ang kundisyon ni Smith dahil sa “airconditioned” naman ang kuwarto nito sa loob ng container van, may sariling comfort room at visiting area. Dalawang guwardiya rin naman ang nagbabantay ditto.
Sinabi rin ni Corpus na makikipag-usap siya sa US Embassy para sa posibilidad na mapagbigyan ang kahilingan ng militanteng grupong Task Force Subic Rape na magsagawa rin sila ng sariling “ocular inspection” upang makatiyak na nakakulong nga si Smith. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending