Muntik nang saksakin ng misis ng isa sa mga bik tima ng trahedya sa paglubog ng M/V Princess of the Stars ang Vice President ng Sulpicio Lines sa Cebu City kamakalawa.
Batay sa report, hindi napigilan ni Alith Chavez ang kaniyang kinikimkim na galit nang makita niya si Mr. Ryan Go, Vice President ng Sulpicio Lines.
Ang lumubog na M/V Princess of the Stars na kinalululanan ng 862 pasahero at tripulante noong Hunyo 21 sa karagatan ng Sibuyan Islands, Romblon sa kasagsagan ng bagyong Frank ay pag-aari ng Sulpicio Lines.
Nagalit umano ang ginang dahilan sa reklamo nitong pagbubulagbulagan at pagbibingi-bingihan ng Sulpicio Lines sa sentiyemento ng pamilya ng mga biktima.
Sa salaysay ni Chavez, galing pa siya sa Agusan del Norte at hindi niya napigilan ang kanyang galit nang personal siyang nakiusap at humingi nga tulong kay Go sa pagtungo nito sa Cebu Sports Complex kaugnay ng kanyang nawawalang mister.
Gayunman ay tila hindi pinakinggan ni Go ang sentimyento ng nagdadalamhating misis.
Naagapan naman ng mga guwardiya ang ginang matapos itong maglabas ng kutsilyo at akmang sasaksakin si Go. (Joy Cantos)