Isang pampasaherong barko at isang bapor na pangkargamento ang nagbanggaan sa may karagatan ng Camotes Island o Liloan sa Cebu kahapon ng madaling-araw, ayon sa mga opisyal ng Coast Guard.
Naganap ang aksidente isang linggo pagkaraang lumubog ang pampasaherong barko na MV Princess of Stars ng Sulpicio Lines sa karagatan ng Sibuyan Island sa Romblon.
Patungo umano ang pampasaherong barko sa Ormoc City mula sa Cebu nang maganap ang salpukan.
Tinukoy ni Jerry Niebre ng Coast Guard ang mga nagsalpukan na MV Wonderful Star at MCC Zulu cargo. Patungo sa Cebu mula Manila ang pangkargamentong barko nang sumalpok ito sa una.
Bahagyang nasugatan ang dalawa sa mga pasahero ng Wonderful Star na sina Vincent Mateo at Michael Surtida. Ligtas naman ang ibang mga pasahero na nakarating sa kanilang destinasyon.
May lulang 607 pasahero ang Wonderful Star.
Lumalabas pa sa ulat na umalis sa daungan ng Cebu ang MV Wonderful Star dakong alas-10:00 kamakalawa ng gabi papuntang Ormoc at bandang ala-1:30 ng madaling araw nang makasalubong nito ang MMC cargo vessel.