6 pang bangkay nakita sa Camarines Sur

Anim pang bangkay na pinaniniwalaang mula sa lumubog na MV Princess of the Stars ang natagpuan naman sa baybayin ng Pasacao, Camarines Sur, ayon sa ulat kahapon.

Isa sa mga biktima ay kinilalang si Orlando Cueva, 61, retiradong Air Force at may postal address sa dela Serna St., Cebu  City.  

Natagpuan ang bangkay nito sa Barangay Caranan habang ang isa pang bangkay ng babae na nakasuot ng life vest ay nakita sa Barangay Balogo.

Nakuha sa bangkay ng babae ang isang cellphone at sim card. Nang subukan ng mga awtoridad na paganahin ang sim card, isang tawag mula sa nagpakilalang Amor Torco ang kanilang natanggap.

Sinabi ni Torco, kamag-anak siya ng may-ari ng sim card at hinahanap niya sina Diana Rose Laborte at isang Jocelyn Campo na kapwa pasahero ng MV Princess of the Stars.

Isa pang bangkay ang nakilalang sa pangalang Felipe Omandac Jr.

Ang tatlo pang bangkay ay natagpuan sa katabing barangay sa Pasacao. (Joy Cantos)

Show comments