Pinagalitan kahapon ni Pangulong Arroyo si Philippine Coast Guard chief Wilfredo Tamayo dahil sa pagpayag nitong maglayag ang M/V Princess of the Star na naging dahilan ng paglubog nito dahil sa bagyong Frank.
Napasigaw si Pangu long Arroyo sa speakerphone mula sa San Francisco, USA para sa 10-araw na working visit sa US, nang makausap nito si Tamayo sa ginanap na meeting ng National Disaster Coordinating Council (NDCC) sa Camp Aguinaldo.
Ilang beses tinanong ng Pangulo si Tamayo kung kailan inilabas ang kautusan para sa “no vessel warning” o pagbabawal sa lahat ng uri ng sasakyang pandagat na maglayag dahil sa panganib ng bagyo ngunit nagpaligoy-ligoy ito ng pagsagot.
Ipinaliwanag naman ng PCG chief na umalis ang barko sa Maynila noong Biyernes ng gabi kung saan ang warning ay para lamang sa mga maliliit na vessels na bawal maglayag.
Nang maunawaan ni PGMA ang dahilan ay agad na kumambiyo ito at sinabi kay Tamayo na dapat ay magkaroon ng pagbabago sa warning system ng PCG na inayunan naman ng PCG chief.
Ayon kay Executive Secretary Eduardo Ermita, dapat malaman kung nag karoon ng pagkukulang sa panig ng PCG o kung kailangang baguhin ang ipinapatupad na sistema sa pagtukoy sa uri ng barko na puwedeng maglayag kapag may bagyo. (Rudy Andal/Danilo Garcia)