4 patay, higit 700 missing, Barko ng Sulpicio tumaob

Nangangamba ngayon ang pamahalaan sa kalig­tasan ng higit 800 pasa­hero at crew ng isang bar­ko ng Sulipicio Lines mata­pos na tumaob ito sa kara­gatang sakop ng lalawigan ng Romblon habang nasa kasagsagan ang pagha­gupit ng bagyong Frank sa Kabisayaan.

Apat na bangkay, 2 babae at 2 lalaki, ang kum­pirmadong narekober ng mga lokal na otoridad sa bayan ng San Fernando, Romblon ngunit hindi pa tiyak kung kabilang ang mga ito sa sakay ng M/V Princess of the Star. 

Kinilala naman ang 4 survivors na sina Jessie Boot, ng Siquijor; Jesus Jica, Oliver Amorin at Rey­naldo Laroa.

Batay sa ulat ng Philippine Coast Guard, dakong alas-8 ng gabi noong Bi­yer­nes nang umalis sa lungsod ng Maynila ang barko patungong Cebu.

Lulan nito ang 702 pasahero at 121 tripulante nang umalis sa pantalan ng Maynila at lumubog sa Sibuyan Island sa Rom­blon. 

Nabatid na bago pa man tumaob, nag-utos na umano ang kapitan ng barko na mag-abandon ship sa isang malapit na isla matapos na malaman na may malaking butas ito. 

Natagpuan naman ang barko sa karagatang ba­hagi ng Barangay Mabini, sa bayan ng San Fernando na nakataob at may mala­king butas sa gitna kung saan din nakita ang apat na survivor.

Inaasahan ng NDCC na marami sa mga pasa­hero at crew ang nakasa­kay sa mga life boats at salbabida at maililigtas habang nakalutang sa karagatan o kaya naman ay nataboy sa mga karatig na isla.

Iniutos na ni Executive Secretary Eduar­do Ermita ang pag­gamit ng mga helicopters ng PCG at Philippine Air Force para sa “search and rescue operations”. (Danilo Garcia)

Show comments