Nakapatay sa pulis na nagsilbi ng warrant kulong habambuhay, bayad pa ng P2.5M
Pinagtibay ng Korte Suprema ang conviction ng isang lalaking nakapatay sa isang opisyal ng Bauang,La Union Police na nagsilbi lamang ng arrest warrant noong 1999, bagamat ibinaba mula sa parusang kamatayan sa habambuhay na pagkabilanggo dahil sa kawalan ng pinaiiral na death penalty.
Sa 22-pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Arturo Brion, inatasan din nito ang akusadong si Zaldy Garcia na bayaran ag P2.5-milyon ang pamilya ni Chief Inspector Tito Opina para sa mga nawalang kinita nito at P75,000 death indemnity.
Sa record ng korte, dakong alas-8 ng umaga noong Setyembre 8, 1999 nang magsilbi ng warrant of arrest si Opina kay Garcia sa hindi nabanggit na kaso, kasama ang iba pang pulis na sina SPO3 Edwin Benavidez at isang PO1 Casem, sa Barangay Pugo, Bauang, La Union.
Nang pinasusuko ang akusado na nagtangkang tumakas ay pinaputukan nito ang biktima na tinamaan sa tiyan at nagresulta sa agarang kamatayan.
Dahil sa dalawa pangpulis na back-up ng biktima ay walang nagawa si Garcia kundi sumuko.
Sa depensa sa korte, sinabi ng akusado na aksidente lamang na pumutok ang hawak niyang baril na hindi naman binigyan ng timbang ng mababang korte. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending