Dahil sa kalumaan matapos ang mahabang panahong pagkakaantala nitong magbukas, pumalya umano ang ilang kagamitan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa isinagawang public simulation at dry run kahapon.
Ginawa ang dry run sa arrival area upang makita kung magiging maayos itong daraanan ng mga pasahero at kung magkakaroon ng problema sa mga kagamitan at makinang gagamitin.
Sinabi ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Al Cusi na pagtutuuan nila ng pansin ang mga gamit na dispalinghado na palitan para sa pormal na pagbubukas ng paliparan sa susunod na buwan upang isiguro na walang palpak sa pasisimulang domestic flight operation.
Libu-libong pasahero ang maaaring ma-accommodate ng NAIA 3 para sa paunang domestic flights kung saan karamihan ay nagsisiksikan sa Domestic Airport. (Ellen Fernando)