Nanawagan kahapon sa Kongreso si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Marcelino Libanan na kaagad aprubahan ang budget na nakalaan para sa pagpapatayo ng gusali ng kagawaran.
Inihayag ni Libanan ang kanyang panawagan kasabay ng pagpapasalamat nito sa rank and file employee ng BI dahilan sa umanoy patuloy na suporta ng mga ito sa gitna ng kanyang dinanas na kontrobesiya ng mga nakaraang araw.
Partikular na tinukoy ni Libanan ang pagsuporta sa kanya ng mga opisyal ng Buklod ng mga Kawani ng BI (Buklod-BI) na siyang nagpapatupad ng reporma at katulong siya sa paglaban sa corruption sa loob ng kagawaran.
Nangako din si Libanan na kanyang ipagpapatuloy ang pagbibigay ng mga benepisyo at non-wage benefits sa mga empleyado ng BI.
Sisiguraduhin din umano nito na tatapusin ang konstruksyon ng bagong gusali ng BI sa nabili nilang lote na matatagpuan sa kahabaan ng Diosdado Macapagal Ave. sa Pasay City.
Umaasa umano siyang aaprubahan ng Kongreso ang pondo para sa pagpapagawa ng bago at modernong gusali ng BI. (Gemma Amargo-Garcia)