Muling umapela ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa Kongreso na amiyendahan na ang PNP Law upang maituwid ang ilang regulasyon kabilang na ang hindi pagbibigay ng promosyon sa mga pulis na may kinakaharap na kaso.
Sinabi ni Deputy Director General Jesus Versoza, hindi makatwiran na hindi pagkalooban ng promosyon ang isang pulis na magaling at epektibo sa tungkulin nito dahil lamang sa kasong isinampa dito.
Iginiit nito na marami sa mga kasong kinakaharap ng maraming pulis ay may kaugnayan sa pagtupad sa kanilang tungkulin at malaking bahagdan ay “harassment” lamang sa pulisya lalo na ng mga sindikato.
Sinabi rin ni Versoza na patuloy pa rin silang humihingi ng “supplemental budget” sa Kongreso upang mabayaran nila ang mga benepisyo at pension ng mga retiradong pulis dahil sa kakapusan ng pondo ng pambansang pulisya.
Kasalukuyan umano nilang pinalalakas ngayon ang ugnayan sa asosasyon ng mga retiradong pulis upang epektibong maibigay ang kanilang pension at maghanap ng mga “independent” na mga organisasyon na masasalihan para makatulong sa paghahanap ng pondo para sa mga retirado. (Danilo Garcia)