Pinawi kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pangamba na may Pilipinong nasaktan o napatay sa 7.0 magnitude na lindol na yumanig sa bansang Japan nitong Sabado ng umaga.
Sinabi ni DFA Spokesman Claro Cristobal na walang sinumang Pinoy sa Japan ang nasaktan o nasawi sa insidente base na rin sa ginawang kumpirmasyon ng Philippine Consul General sa Tokyo na si Sulpicio Confiado.
Sa tala ng DFA, aabot sa 8,000 Filipinos ang nasa Tohoku region, na kinabibilangan ng Iwate, Akita, Aomori, Miyagi, Yamagata, at Fukushima.
Nabatid na sa 7.0 magnitude na lindol ay tatlong katao ang naiulat na nasawi sa hilagang silangan ng Japan habang 84 naman ang naitalang nasugatan.
Samantalang ang malakas na pagyanig ay naapektuhan rin ang mga highways at isinara ang mga expressways, habang ang ilan sa mga tulay doon ay tuluyan namang bumigay o nawasak.
Ang mga bullet trains ay tumigil din sa mga apektadong lugar at pansamantalang itinigil ang operasyon bunga ng kalamidad. (Joy Cantos)