Lugmok na!

Nagbanta ang mili­tanteng transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) na magkaka­roon ng pagsiklab ng serye ng kilos-protesta ng mga tsuper at mama­mayan sa buong kapu­luan.

Ito, ayon kay Piston se­cretary general George San Mateo ay dahil sa walang puknat na pag­taas ng halaga ng petroleum products at ang pinakahuli ay ang ika-15 oil price hike kung saan P1.50 halaga ang itinaas sa kada litro ng diesel, gasolina at kerosene ngayong weekend.

Sinabi ni San Mateo, walang pagpipilian ang transport sector at ma­ma­mayan kundi ang mag­­kaisa at paghan­daan ang pagsasagawa ng isang malawakang kilos-protesta sa buong bansa upang ipadama ang sentimyento ng mga tsuper at ordi­nar­yong mamamayan. 

Sa ngayon ay nagla­laro na sa P50 ang pres­yo ng diesel at P57-58 sa gasolina.  

“Lugmok na lugmok na ang kabuhayan ng mga drayber at mama­mayan. Walang saysay ang mga papoging Ka­tas ng VAT na subsidy sa langis, kuryente at iba pang subsidy na ipinag­mamalaki ng ad­minis­tras­yong GMA,” pahayag ni San Mateo.

Binanatan din nito ang panawagan ni Pa­ngulong Arroyo na mag­kaisa ang mamamayan dahilan sa wala namang magawa ang Malakan­yang para kontrolin ang walang-pahingang oil price hike, pagtaas sa halaga ng bigas, de-lata, trigo, kuryente at iba pa. 

Kahapon ay nagsa­gawa ng isang pagkilos ang Piston kasama ang iba pang kaalyadong transport groups at peoples organization.

Ani San Mateo, ang noise barrage ay bahagi naman ng lingguhang kilos-protesta upang salubungin at kondena­hin ang lingguhang P1.50 oil price hike na ipinapatupad ng tatlong dambuhalang kum­pan­ya ng langis.

Show comments