Inamin ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na itinuturing nilang isa umanong malaking pagkakamali ang kanilang ginawang pagsuporta sa EDSA 2 na nagresulta sa pagpapatalsik sa pwesto kay dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada.
Ayon kay Manila Archdiocese Vice Chancellor Fr. Sid Marinay na sa naganap aniya noong EDSA 2, hindi na nahintay pa ang magiging hatol ng mga mambabatas o ng hukuman sa impeachment case laban kay Estrada at hindi rin umano narespeto ang “rule of law” sa naganap na People Power.
Noong EDSA Dos aniya, ang simbahan sa pangunguna ng yumaong si dating Manila Arch bishop Jaime Cardinal Sin ay nagdeklarang guilty sa plunder at corruption ang dating Pangulong Erap at nakiisa sa panawagang mapatalsik ito sa pwesto.
Taliwas aniya sa naging layunin ng EDSA 1 noong 1986 kung saan kumilos ang publiko upang maiwasan ang pagdanak ng dugo at di magandang pangyayari sa sandaling lisanin ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Malakanyang.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit sa ngayon ay hindi na sinusuportahan ng CBCP ang anumang panawagan na maglunsad muli ng People Power.
“The era of political activism faded away with the passing away of Cardinal Sin,” dagdag pa nito.
Sa kasalukuyang pamunuan aniya ng CBCP, sa halip na lumabas sa kalye, hinihikayat na lamang ang publiko na maging “reflective” at iwasan ang pagiging mapanghusga.
Naniniwala na din aniya ngayon ang publiko na kahit mapaalis pa o hindi sa pwesto ang namumuno sa bansa mananatili pa rin ang problema ng Pilipinas.
Nakita na umano ito sa kinalabasan ng EDSA 2 na kahit napatalsik ang dating Pangulong Estrada, hindi pa rin naman natapos ang problema ng bansa, sa sumunod na umupo sa pwesto at nanatili ang korapsyon sa pamahalaan. (Doris Franche)