Kahirapan ’di dahilan para gumawa ng masama
Tahasang sinabi kamakailan ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco na hindi sapat na dahilan ang kahirapan upang gumawa ng masama ang isang tao.
Ayon kay Ongtioco, sa panahon ng kahirapan ay natutukso ang sinuman na gumawa ng kasamaan, ngunit dito rin naman aniya nasusubukan ang kabutihan ng mga Kristiyano.
Gayunman, hindi sapat na dahilan ang kahirapan o kawalan ng trabaho upang masangkot sa krimen ang isang indibidwal.
Giit ng Obispo, sa halip aniya na gawing dahilan ng tao sa paggawa ng kasamaan ang kahirapan, ay dapat aniyang gawin itong hamon ng bawat isa upang maging creative ang mga tao at malampasan ang kanilang pinagdadaanan.
Naniniwala rin naman si Ongtioco na hindi mareresolba ng armas sa armas ang pagtaas ng insidente ng mga krimen sa bansa.
Binigyang-diin nito na ang purpose ng armas ay proteksyon ng mga nasa awtoridad at upang maramdaman ang kanilang presensiya at hindi aniya ginagamit ang armas sa pag-abuso ng awtoridad.
“Armas sa armas? I don’t think that’s the solution para masugpo ang krimen. Dapat gumawa tayo ng malikhaing pamamaraan. Paano masugpo ito, hindi ito makukuha sa karahasan,” pahayag pa ni Ongtioco. (Doris Franche)
- Latest
- Trending