Gumagawa ngayon ng isang sistema ang Land Transportation Office (LTO) at ang mga bangko upang maberepika mula sa paggamit ng internet ang record ng isang drivers license holder na may transaksiyon sa mga bangko.
Ayon kay LTO Assistant Secretary Alberto Suansing, nakipagpulong siya sa mga opisyales ng Bankers Association of the Philippines Credit Bureau, Inc. (BAPCB), Philippine Finance Association (PFA) at ang IT company ng LTO upang isapinal ang pagbuo ng isang web-based facility na maglalaan sa mga bangko at mga financial institutions sa pa mamagitan ng access sa LTO database tungkol sa rekord ng mga drivers license holder at mga rehistradong sasakyan.
Sinabi ni Suansing na takda nilang lagdaan ang isang kasunduan sa magkabilang panig sa susunod na buwan upang maipatupad ang naturang proyekto.
Ang proyekto ay magbibigay daan sa mga bangko at financing companies na ma-verify electronically sa pamamagitan ng internet ang rekord ng isang driver at ang status ng sasakyan na gagamitin collateral kapag umutang ang isang indibidwal sa bangko. (Angie dela Cruz)