Hindi nagustuhan ng isang mataas na lider ng Simbahang Katoliko ang patuloy pa ring pagsusuot ng hindi disenteng damit ng mga tao sa kanilang pag dalo sa banal na misa, sa kabila nang nauna nang advisory ng simbahan hinggil dito.
Sinabi ni Davao Archbishop at dating Catholic Bishops‚ Conference of the Philippines (CBCP) President Fernando Capalla na hindi sapat na dahilan ang “personal freedom’ ng isang indibidwal upang hindi na magpakadisente sa pagharap sa Panginoon.
Tahasan din namang iginiit ng arsobispo na maituturing na isang “kahangalan” kung ang personal na kalayaan ang gagamiting rason ng isang tao upang hindi magsuot ng maayos na damit sa pagsisimba.
Paliwanag ni Capalla, bagamat naninirahan aniya tayo sa isang demokratikong bansa, na may garantiya ang kalayaan ng bawat isa, ay mayroon din naman umanong limitasyon ito.
Nanawagan rin naman ang arsobispo sa kaniyang nasasakupan na magsuot ng disente at simpleng damit tuwing dadalo sa mga relihiyosong pagtitipon.
Ang kanyang panawagan aniya ay hindi lamang para sa mga mananampalataya kundi maging sa mga pari at iba pang opisyal ng simbahan.
Ayon kay Capalla, ang shorts at jogging pants ay isinusuot lamang dapat sa sporting occasions at hindi sa pagsisimba, habang ang maiikling damit na maitu turing na aniyang parang beach wear, ay hindi rin aniya bagay sa pagdalo sa banal na misa. (Doris Franche)