Tinawag na “Miss System Loss” ng Volunteer Against Crime and Corruption(VACC) ang aktres na si Judy Ann Santos kasabay ng panawagan sa publiko na iboykot ang lahat ng iniendorsong commercial at maging ang mga pelikula ng aktres.
Pinagdiskitahan ng mga opisyal ng VACC sa pangunguna ng pangulo nitong si Martin Dino, Dante Jimenez, Lauro Vizconde at Atty.Jose Malvar Villegas Jr. ang mga litrato ni Juday at sabay-sabay na pinunit sa harap ng kanilang opisina sa Roxas blvd., Malate, Maynila bilang pagpapakita ng kanilang pagkamuhi sa ginawa ng aktres.
Hindi umano nila nagustuhan ang pagpapaliwanag ng aktres kaugnay sa system loss ng Manila Electric Company dahil mistula umanong pinoprotektahan nito ang pagmamalabis ng Meralco sa mga consumer nito.
Ayon pa kay Jimenez, kapag hindi pa nadala ang aktres at muling nagpagamit sa Meralco, effigy na nito ang kanilang susunugin.
Hindi umano magandang tingnan na ang ka tulad ni Judy Ann na iniidolo ng mga kabataan ay gagawa ng ganoong pag-iendorso sa harap ng kaliwa’t kanang batikos na ipinupukol ng mamamayan sa Meralco. (Doris Franche)