Palaisipan ngayon kung talagang nakatakas o pinatakas ang pulis na pangunahing suspek sa pagpatay kay Commission on Elections Legal Division Chief Alioden Dalaig.
Nasa kustodya ng National Capital Region Police Office sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang suspek na si PO2 Basser Ampatuan na natuklasang nawawala mula pa noong Sabado.
Sa isang pulong-balitaan sa Camp Crame, sinabi ni NCRPO Officer-in-Charge Chief Supt. Eric Javier na bumuo na sila ng Task Force upang imbestigahan ang sinasabing pagkakatakas ni Ampatuan at hanapin at hulihin ito.
Sinabi ni Javier na lumilitaw na tumakas umano si Ampatuan sa ‘restrictive custody ‘ ng NCRPO noon pang Sabado dakong alas-2:00 ng madaling araw.
Ang nasabing parak ay huli umanong nakita ng kaniyang mga bantay na nagtungo sa comfort room pero hindi na siya nakita sa kanyang quarter mula noon.
Si Ampatuan ay nasakote noong Abril 26 sa Shariff matapos itong iturong siyang nasa likod ng pananambang at pagpatay kay Dalaig sa harapan ng Hyatt Hotel sa panulukan ng M.H. del Pilar sa Pedro Gil Streets sa Ermita, Maynila noong nakalipas na taon.
Nilinaw ni Javier na walang dahilan para tumakas si Ampatuan dahilan kung tutuusin ay hindi naman ito nakakulong kundi isinailalim lamang sa ‘restrictive custody’ dahilan sa kasong administratibo na kinakaharap nito sa nasabing kaso.
Nabatid na, bagaman may testigong nagtuturo na si Ampatuan ang responsable sa pagpatay kay Dalaig, wala pang makuhang matibay na ebidensya laban sa kanya ang mga awtoridad.
Dahil wala pang naipapalabas na warrant of arrest ang korte ay isinailalim si Ampatuan ng PNP sa restricted custody sa kasong administratibo.
Matinding takot naman ang nararamdaman ng isang testigo sa pagpatay kay Dalaig dahil sa pagkakatakas ni Ampatuan.
Ito ang nabatid kahapon kay Manila Police District-Homicide Division Chief Inspector Dominador Arevalo nang tanungin ng mga reporter hinggil sa reaksyon ng testigo.
Sinabi ni Arevalo na inirereklamo ng testigo na itinatago sa alyas na Marissa na, kahit pa nasa pangangalaga ito ng MPD, hindi maiiwasang matakot ito dahil sa iba’t-ibang tao umano ang pumapasok na naturang tanggapan kung saan siya kasalukuyang pumipirmi.
Malaki din ang pagsisisi nito kung bakit ipinagpatuloy ang pagiging testigo dahil sa pakiramdam umano niya ay pinababayaan din siya ng pulisya.
Kinontra naman ni Arevalo ang pangamba ni Marissa at sinabing ang kinalalagyan ngayon nito ang pinakaligtas na lugar para sa kanyang buhay. (Joy Cantos, Grace Amargo-dela Cruz at Rose Tamayo-Tesoro)