Inatasan ni Pangulong Gloria Arroyo ang pamunuan ng Department of Agriculture (DA) para palakasin ang programa nito sa pangangalaga sa kalusugan ng mamamayan at sa kapakanan ng may P60-billion poultry industry mula sa epekto ng bird flu virus (AI).
Bunsod nito, higit na pinatindi ni DA Secretary Arthur Yap ang pagbabantay ng kanyang mga tauhan sa mga entry points sa bansa tulad ng daungan at mga paliparan upang maiwasang makapasok ang naturang sakit sa mga manukan.
Una nang nagpatupad ang DA ng temporary ban sa lahat ng imports ng mga domestic at wild birds mula sa Denmark matapos makumpirmang mayroong bird flu virus sa bansa.
Bukod sa manok at mga ibon, ay pansamantalang bawal din ang imports ng day-old chicks, itlog at semen mula sa naturang bansa.
Bukod dito, pinasuspinde din ni Yap ang pag-iisyu ng Veterinary Quarantine Clearances (VQCs) sa lahat ng imports ng poultry products mula Denmark . (Angie dela Cruz)