Blinkers, ‘wang-wang’ bawal!
Binalaan kahapon ng PNP-Highway Patrol Group (PNP- HPG) ang mga pulitiko, media at iba pang indibidwal na guma gamit ng mga blinkers o sirena sa kanilang mga sasakyan.
Sa Talakayan sa Isyung Pampulis (TSIP) sa Camp Crame, sinabi ni PNP-HPG Director Chief Supt. Pefecto Palad na tanging ang Presidente, Bise Presidente, Senate President, Speaker of the House, Chief Justice, ambulansiya, firetrucks at lahat ng marked vehicles ng PNP ang pinapayagang gumamit ng mga blinkers.
Tiniyak ni Palad na lahat ng hindi awtorisadong gumamit ng mga blinkers alinsunod sa direktiba ng LTO ay kanilang huhulihin at mapapatawan ng kaukulang parusa.
Ang babala ni Palad ay matapos na makarating sa kaniyang kaalaman na marami pa rin ang patuloy na lumalabag sa batas sa paggamit ng mga blinkers o sirena na siya rin umanong istratehiya ng mga elementong kriminal upang makalibre sa paninita ng mga awtoridad.
Umapela rin si Palad sa mamamayan na agad ire port sa PNP-TMG sa pamamagitan ng Text HPG Wang Wang 09283982873 ang mga pribadong sasakyan na gumagamit ng mga blinkers gayong hindi naman ang mga ito awtorisado ng batas. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending