MINALIN, Pampanga - Inutos kahapon ni Pangulong Arroyo sa Toll Regulatory Board (TRB) na gumawa ng hakbang upang maibaba ang toll rate sa North Luzon Expressway (NLEX) na pag-aari din ng pamilya Lopez.
Sa kanyang mensahe sa ginanap na 1st Egg Festival sa bayang ito, sinabi ng Pangulo na dapat gumawa ng formula ang TRB upang maibaba ang toll fee sa NLEX na siyang dahilan kaya tumaas din ang pamasahe sa bus at presyo ng mga pagkain na mula sa Northern at Central Luzon.
Aniya, dapat ay maging epektibo ang toll fee reduction sa NLEX simula sa June 30 at dapat ang maging toll rate nito ay katulad sa 2004 rates. Mula sa P180 toll fee ay magiging P171 na ito.
Nangako din si Mrs. Arroyo na magpapatupad siya ng moratorium sa toll system sa loob ng kanyang nalalabing termino hanggang 2010.
Naniniwala si PGMA na kung mura ang babayarang toll fee ng mga delivery trucks na mula sa Northern at Central Luzon ay kasunod na bababa din ang presyo ng mga produktong ibinibyahe nito patungong Metro Manila.
Nangako rin ang Pangulo na susunod na pagtutuunan niya ng pansin na mapababa ang presyo ng pagkain at pamasahe sa mga provincial buses.