Matapos ang dalawang linggong pagtugis sa mga suspek sa karumal-dumal na robbery/massacre sa Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) noong Mayo 16 sa Cabuyao, Laguna ay sinampahan na ng kasong robbery with multiple murder sa Biñan Regional Trial Court (RTC) ang lima sa mga ito.
“Yes, we consider the case as solved with the identification and arrest of the suspects,” pahayag kahapon ni Philippine National Police (PNP) spokesman Chief Supt. Nicanor Bartolome sa press briefing sa Camp Crame.
Kinilala ni Bartolome ang mga suspect na sina Joel dela Cruz, guwardiya ng RCBC; Jesus Narvaez, driver ng getaway car; Ricardo Gomolon, isang ex-Army na dating kasapi ng Engineering Battalion na nakabase sa Dipolog City; Danilo Letoquet, Allan Bago, isang di nakilalang babae at ilan pang John Does.
Iniharap kahapon sa media sina dela Cruz, Narvaez at Gomolon habang patuloy pa rin ang manhunt laban kina Letoquet, isang babaeng suspek at marami pang John Does.
Nabatid na si dela Cruz ang insider man ng mga robber. Una na itong bumagsak sa polygraph test at nag-positibo rin ang fingerprints nito sa vault kaya agad itong ikinostudya ng mga awtoridad.
Nabatid na bago ang robbery/holdup ay nag-file ng leave si de la Cruz pero nakita ang presensya sa loob ng bangko ng mangyari ang nakawan. Samantalang si Narvaez ay kusang loob na sumuko sa Task Force RCBC at si Gomolon ay nasakote naman sa follow-up operations sa Makati City kamakailan.
Si Gomolon ay positibo namang kinilala ng isang 9-taong-gulang na batang babae sa police lineup na nakita umano nitong may hawak na baril na sa deskripsyon ay shotgun nang pumasok sa loob ng naturang bangko.
Ang tatlo ay positibong kinilala ng mga testigo na nakita nilang pumasok at lumabas sa loob ng RCBC na armado nang mangyari ang madugong krimen. Si Letoquet ay kasama ni Narvaez na nagmaneho umano ng get-away vehicle at si Bago ay nakilala mula sa rouge gallery ng mga wanted na kriminal.
Si Letoquet ay may dati ng kasong robbery sa General Mariano Alvarez, Cavite habang si Bago naman ay isa ring dating security guard.
Ayon naman kay Calabarzon Police Chief Supt. Ricardo Padilla, ang RCBC masaker ay itinuring na solve, ngunit hindi pa ganap na sarado ang kaso hangga’t hindi pa naaaresto at napapanagot sa batas ang iba pang mga salarin.
Ang RCBC massacre ang itinuturing na pinakamadugo sa kasaysayan ng bank robbery sa bansa. Siyam na empleyado at isang depositor ang napatay sa naturang insidente at mahigit P9 milyon ang natangay umano ng mga suspek.