Nagtakda na rin ng isang lugar sa kanilang nasasakupan bilang “discipline zone “ ang Muntinlupa City matapos na gayahin nito ang Caloocan, Malabon, Mandaluyong, San Juan at Marikina.
Ayon kay Muntinlupa Mayor Aldrin San Pedro, nakipag-ugnayan na siya kina NCRPO chief Deputy Director Geary Barias at Southern Police District (SPD) director Chief Supt. Luizo Ticman upang gawing pilot area ang Alabang sa paglulunsad ng discipline zone sa kanilang lungsod.
Puspusan umano ang kanilang isasagawang kampanya sa loob ng apat na buwan laban sa lahat ng uri ng kriminalidad sa Alabang viaduct at pagpapa-iral ng disiplina sa mga pasaway na tsuper, illegal vendors at pedestrians.
Idinagdag pa ni San Pedro na umaabot sa mahigit 400,000 katao ang nagdaraan, nangangakakal at nagtatrabaho sa Alabang na pinaka-abalang lugar sa lungsod araw-araw kaya dito nila sisimulan ang kampanya sa paglulunsad ng discipline zone area.
Ito rin aniya ang itinuturing nilang sentro ng pagnenegosyo ng lungsod at dito rin nagdaraan ang nakararaming residente sa Southern Tagalog na nagtutungo sa kalakhang Maynila kaya’t nararapat lamang na mapanatili nila ang katahimikan at kaayusan sa lugar. (Rose Tesoro)