Nilayasan kahapon ng ilang miyembro ng Senate media ang press conference ni Senador Migz Zubiri na gagawin sana sa loob ng isang barko habang naglalayag sa baybayin ng Manila Bay.
Napilitang umalis ang mga miyembro ng media nang malaman nila na dadalhin pa sila sa laot sakay ng M/V Spirit of Manila dahil ito umano ang ‘anggulo’ na nais ni Zubiri.
Alas-11 ng umaga kahapon itinakda ang presscon ni Zubiri habang naka-dock ang M/V Spirit of Manila sa CCP Bay Terminal, pero pasado alas-12 na ng tanghali tinangkang umpisahan ang presscon.
Ikinagulat ng mga reporter nang biglang paandarin ang makina ng barko saka nila naramdaman na maglalayag ito sa gitna ng karagatan ng Manila Bay upang doon mag-presscon si Zubiri.
“Ang gusto kasi ni Senator Migz, ang backround ng interview niya sa laot mismo, kita ang barko ng Greenpeace. Kaya ang ginawa ko, tinawag ko ang crew ko para umalis,” ani Arlene Lim-Farol ng ABC 5.
Si Lim-Farol ay sinamahan ng iba pang Senate reporters dahil na rin sa labis na pagkadismaya.
Maging ang mga reporters na naiwan sa prescon ni Zubiri ay nagreklamo matapos ang press conference sa dagat dahil matinding pagkahilo umano ang inabot ng mga ito.
Nagbabala naman si Zubiri na malaki ang posibilidad na lumubog ang kalahati ng 7,1000 isla sa buong bansa sanhi ng climate change kung patuloy na babalewalain ng pamahalaan ang lumalaganap na global warming.
Sa naturang press conference, kasama ang miyembro ng Greenpeace International, sinabi ni Zubiri na unti-unti nang nararamdaman ng bansa ang global warming partikular ang pagtaas ng tubig-dagat na matutunghayan sa Boracay Island.
“Mahigit 10 taon ang nakakalipas, umaabot pa sa 20 metro ang layo ng tubig dagat ng Boracay mula sa hagdanan ng mga resort at hotel sa lugar, ngunit ngayon umaabot na talaga sa hagdanan ng bawat resort at hotel kapag high tide” ani Zubiri. (Malou Escudero)