Faeldon ililigpit?
Nangangamba ang legal counsel ni Magdalo leader Marine Captain Nicanor Faeldon na iligpit ang kaniyang kliyente matapos itong lumabas sa “You tube” at buong tapang na sinabing mamatamisin na lamang niya ang mamatay kaysa sumuko at humingi ng “pardon” kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Ayon kay Atty. Trixie Angeles, hindi malayong tuluyan nang patahimikin ang kaniyang kliyente dahilan marami ang nagtatangka sa buhay ni Faeldon na may patong sa ulong P1 milyon.
Inihayag nito na talagang pagtatangkaan ang buhay ng kaniyang kliyente dahil isa itong tinik sa landas ng gobyerno na patuloy nitong binibira kaugnay ng ipinaglalaban nitong prinsipyo.
Sa nasabing You tube ay nanindigan si Faeldon na taliwas sa naging hakbang ng siyam na kasamahan niyang Magdalo ay hindi niya tatanggapin ang anumang deal na iaalok ng gobyerno dahil hindi siya naniniwala sa kasalukuyang liderato nito.
Aniya, handa siyang magbuwis ng buhay kung ito ang gigising sa taumbayan sa mga katiwalian umanong kinasasangkutan ng gobyerno partikular na ang garapalan umanong korapsyon. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending