“Sabotahe!”
Ito ang sigaw ng kampo ng mga MERALCO shareholders matapos magpala bas ng umano’y illegal na direktiba ang Securities and Exchange Commission (SEC) na pumipigil sa stockholders meeting nito kahapon. Sinasabing ito’y taktika ni GSIS Gen. Manager Winston Garcia upang pigilin ang botohan sa mga opisyal ng MERALCO.
Hanggang sa huling pagkakataon ay tinangkang wasakin umano ni Government Service Insurance System general manager Winston Garcia ang Manila Electric Company matapos “kampihan” ng SEC na naglabas ng isang iligal na cease and desist order (CDO) sa taunang stockholders’ meet ng kumpanya kahapon.
Dahil dito, pansamantalang natigil ang pulong sa Meralco office sa Pasig City nang ipakita ng mga abugado ng SEC ang isang CDO na nilagdaan ni SEC officer-in-charge Jesus Martinez.
Nagprotesta ang mga shareholders ng Meralco sa SEC at kay Garcia na anila’y minanipula ang pagpapalabas ng CDO kahit nagdeklara ng “quorom” ang Meralco management para masimulan ang pulong ng may 80,000 shareholders ng kumpanya.
Sa nagkakaisang tinig, sinabi ng ilang shareholders na “dapat kasi ay maaga pa nila sinabi na may CDO o bago pa man sinimulan ang meeting; halatang gusto lang isabotahe.”
Naidaos din ang ang pagpupulong matapos makumpirma ng mga abugado na walang batayan ang CDO dahil iisa lang ang nakalagda dito at hindi ang limang SEC commissioners.
Anila, desperadong hakbang ni Garcia ang pagpigil sa pulong matapos nitong matiyak na hindi siya kakampihan ng mga shareholders sa balak nitong agawin ang kumpanya sa pamilya Lopez.
Nabatid din na “ex-parte motion” o hindi ipinaalam ni Garcia sa pamilya Lopez ang ginawa nitong pagpapasaklolo sa SEC, na isa ring paglabag sa batas.
Para naman sa mga Meralco customers, mahalaga ang naturang pulong dahil ito ang magtitiyak kung maitutuloy ang mga plano ng kumpanya na may kinalaman sa pagpapababa ng presyo ng kuryente sa buong Meralco franchise area.
Kasabay ng Meralco meeting, dumagsa sa GSIS main office sa Pasay City ang mga empleyado ng Senado, Luneta Park, National Food Authority, Department of Labor, National Housing /Authority, Metro Manila Development Authority at Manila Trial Court, upang ipaabot sa pamunuan ng pension fund na itutuloy nila ang pagsasampa ng kasong katiwalian at kapabayaan laban sa mga ito at kay Garcia.
Ayon kay Ferdie Gaite, national president ng Confederation for the Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE), lampas na sa P2.36 bilyon ang naluging pera ng mga GSIS members sa Meralco simula noong Enero.
Aniya pa, habang “isinusugal” ni Garcia ang kanilang pondo sa pagbili ng mga Meralco shares na umabot na sa mahigit P8 bilyon, “umiiyak” naman ang mga GSIS members dahil sa kakulangan ng benepisyo at palpak na serbisyo ni Garcia sa kanila.
Ikinasa ng samahan sa susunod na linggo ang pagsasampa sa Ombudsman ng panibagong kasong kriminal laban kay Garcia.