Meralco binara ng CA

Inatasan kahapon ng Court of Appeals ang Manila Electric Company na ibalik sa kumpan­yang Permanent Light Manufacturing Enterprises ang P500,000 na sobrang nasingil ng una sa huli sa  electric bill nito mula Mayo 1994  hang­gang Nobyembre  2001.

Sinasabi sa desisyon  ng CA na isinulat ni Associate Justice Japar Dimaampao na pinutol ng Meralco ang linya ng kuryente ng naturang kumpanya nang matuklasang tampered ang kuntador nito na naging dahilan ng mababang bayarin nito sa kuryente.

Ibinalik lang ang kuryente ng Permanent nang magbigay ng kaukulang paunang bayad. Subalit napansin ng  kumpanya na simula nang kabitan sila ng nasabing metro ay biglang umakyat ang buwanan nilang electric bill.

Kinastigo pa ng CA ang Meralco sa bago pero depektibong kuntador na ikinabit nito sa kumpanya dahil masyado umano itong mabilis.

Iginiit pa ng CA na umabuso sa kanilang awto­ridad ang Meralco nang kagyat na putulan ng kur­yente ang kumpanya nang hindi muna ito binibigyan ng 48 oras na pasabi. (Gemma Amargo-Garcia)

 

Show comments