Ibinunyag kahapon ng labor group na Construction Workers Solidarity ang sumbong ng ilang kawani ng Manila Electric Company na umano’y inoobligang magpanggap na kasapi ng Government Service Insurance System para “bastusin” si GSIS Gen. Manager Winston Garcia sa darating na stockholders’ meeting na nakatakdang ganapin ngayon.
Ayon sa CWS, sinabi ng mga naturang emple yado na hindi nila maatim ang ipinagagawa sa kanila ni Meralco Vice President Leonisa dela Llana.
Nag-ensayo pa diumano ang mga impostor kasama ang isang Meralco chairman na nagbigay pa ng instruksyon kung kailan siya papalakpakan ng kanilang mga hakot.
Ang eksena raw ay di papayagan si GSIS president Winston Garcia na makapagsalita sa stockholders’ at papalakpakan ang mga mosyon na pabor sa kampo ng Lopez.
Si Manolo Lopez umano ang magiging main actor sa scripted na stockholders’ meeting na inihanda ni Dela Llana.
Sinabi pa ng CWS na bababa ang singil sa kuryente at tataas pa ang halaga ng mga shares ng Meralco sa stock market oras na matigil ang mismanagement ng pamilya Lopez sa power distribution utility.
Ang pahayag ng CWS ay sumopla sa pahayag ng isang Ferdinand Gaite, na ayon sa mga report ay nagpapanggap na lider ng mga manggagawa sa pamahalaan upang idepensa ang mga Lopez at Meralco.
Hindi rin manggagawa sa pamahalaan si Gaite kung kaya hindi pinaniniwalaan ang pagiging lider umano niya ng isang labor group sa pamahalaan.