Ipinatigil kahapon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang plano ng mga State Universities and Colleges na magtaas ng kanilang singil sa matrikula sa pasukang ito.
Inatasan ng Pangulo ang Commission on Higher Education na ipatigil nito ang planong pagtataas sa matrikula ng mga SUC sa bansa.
Sinabi din ng Pangulo kay CHED Chairman Romulo Neri na ipabatid din ang kanyang apela sa mga pribadong kole hiyo at unibersidad sa bansa upang mahinto na rin ang planong pagtataas ng mga ito sa kanilang tuition fees at miscellaneous fees sa araling-taong 2008-2009.
Iginiit pa ng Punong Ehekutibo na hindi dapat pang taasan ang matrikula sa paaralan kasunod ng patuloy na pagtaas sa presyo ng pagkain at mga produktong petrolyo dahil dagdag pahirap ito sa publiko.
Naniniwala ang Pangulo na dahil sa pagpapahinto niya sa pagtaas ng matrikula ay mababawasan na rin ang mga college drop-outs sa taong ito.
Kasabay nito, tiniyak kahapon ng Department of Trade and Industry na bahagya lamang na maaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang presyo ng mga school supplies at para umano sa mga magulang ay mas mainam na sa Divisoria na lamang mamili ng mga gamit sa eskwela upang mas makamura.
Ayon sa kalatas ng DTI, para malaman o masuri ang presyo at supply ng mga kinakailangang gamit ng mga estudyante, nakipag-usap si DTI Secretary Peter Favila at Undersecretary Zenaida Maglaya sa Philippine School Pads and Notebooks Manufacturer’s Association, Divisoria Organized Sidewalk Vendors Association at National Bookstore.
Ayon kay Favila, siniguro sa kanila ng mga suppliers na hindi sila nagtaas ng presyo ng mga notebooks, pad papers, krayola, lapis at iba pa, maliban sa mga kwaderno na gawa ng mga kilalang suppliers.
Pinaalalahanan naman ni Maglaya ang mga mamimili na iwasan ang bumili ng labis sa tamang pangangailangan ng mga estudyante dahil batay sa kanilang pagtaya ay hindi naman lumolobo nang husto ang presyo ng mga gamit pang-eskwela at minsan ay bumabagsak pa nga ang halaga nito lalo sa mga retailer na nagbebenta ng mas mura.
Sinabi pa nito na pinakamura pa ring mamili sa Divisoria, kung ang bibilhin ay mga uniporme, bag at iba pang kasuutan ng mga mag-aaral subalit kailangan lamang magtiyaga sa siksikan, mainit at masikip na lugar.
Aniya para masiguro na may nakatatak na “Non Toxic” kailangan suriin ng mga mamimili ang mga bibilhing krayola at pambura at iwasan ding bumili ng produktong amoy candy dahil delikado ito sa kalusugan ng mga batang mag-aaral.