Tumaas ang presyo ng mga gulay sa mga pamilihan sa Metro Manila dahil sa nagdaang bagyong Cosme na sumalanta sa maraming sakahan ng gulay sa Pangasinan at La Union.
Inamin ni Agriculture Asst. Secretary Salvador Salacup na base sa ginawa nilang monitoring sa mga palengke at ibang pamilihan noong Biyernes, tumaas ang presyo ng mga gulay ng halagang P5 laluna ang mga “highland type” vegetables tulad ng pechay, patatas at re polyo dahil sa nagdaang bagyo.
Dahil anya sa tatlong araw na mga pag-uulan na likha ni Cosme, naapektuhan ang pag-ani at pagdadala ng mga gulay sa Metro Manila mula sa Cordillera Administrative Region, isa sa major producers ng mga gulay sa bansa.
Umaabot lamang anya sa 35 trak ang nakapagdala ng gulay mula sa La Trinidad sa may Benguet province puntang Metro Manila mula sa normal na 65 hanggang 80 trak ng gulay na nakakarating sa Kalakhang Maynila ‘pag normal ang panahon.
Sinabi ni Salacup na ito ang dahilan kung bakit pinalalawak ang produksiyon ng gulay sa Region 4-A sa Southern Tagalog upang mapunan ang malaking kailangan ng gulay sa Metro Manila kapag tinatamaan ng bagyo ang norte.
Anya, ang 60 porciento ng “highland at lowland vegetables” ay mula sa Central at Northern Luzon. (Angie dela Cruz)