TF 211 nakaiskor

Ipinagmalaki ni Justice Undersecretary Ricardo R. Blancaflor, chairman ng Task Force 211 o ang Task Force Against Political Violence na ang kanyang pi­namumunuang grupo ay nakaresolba na ng mara­ming kaso ng extra legal killings at unresolved violence cases sa ating bansa si­mula nang ito ay itatag may limang buwan na ang na­ka­kalipas.

Base sa talaan ng Task Force 211, ang grupo ay nakalutas na ng 34 kaso ng extra legal killings (ELK) habang 200 iba pang kaso ng ELK at political violence ang maingat na mino-monitor simula nang ito ay itatag noong November 26, 2007.

Ang TF 211 ang naka­tu­koy sa pinagtataguan ni PFC Roderick dela Cruz na itinuturong pumatay kay Ricardo Ramos ng Hacienda Luisita case. Si dela Cruz ay isinurender na rin ng AFP sa NBI upang hu­ma­rap sa isinampang kaso laban dito.

Maging ang pagkaka­aresto kay Aklan Mayor Alfredo Arsenio ay nagre­sulta rin sa matiyagang pagpupursige ng TF 211 na ito ay mahuli matapos na ituro na pumatay kay local radio broadcaster Herson Hinolan na kila­ lang kritiko ng nasabing alkalde.

Kabilang din sa mga nagawa ng TF 211 ay ang pagkakaaresto kay Nan­ding Bitinol na siyang sina­sabing pumatay kay Enrico Cabanit kasama na rito ang muling pagbuhay sa extra legal killings sa korte.

Dalawang kaso pa na nadismis ng korte dahil sa kakulangan ng ebidensiya at saksi ang muling inihain ng TF 211.

Inaanyayahan ni Blan­caflor ang lahat na suporta­han ang TF 211 upang lalo pang maging matagumpay ang ipinaglalaban nito. Maaari ring makipag-ug­nayan sa TF 211 sa pama­magitan ng pagbisita sa kanilang website www. taskforce211.com.ph.

Show comments