33 units dagdag sa Nursing
Upang mapabuti umano ang kalidad ng edukasyon ay dinagdagan ng Commission on Higher Education (CHED) ang curriculum ng nursing course kung saan mas maraming oras sa eskwelahan at ospital ang ipinapagugol nito para sa darating na school year 2009-2010.
Sa memorandum circular No. 5 ng CHED, aabot sa 33 units pa ang idadagdag sa kasalukuyang nursing curriculum na 169 units.
Kung susumahin ang nasaaing dagdag na units, nangangahulugan na dagdag ito ng tatlong summer classes sa kasalukuyang 8-semester course habang ang mga oras naman sa practicum ay itinaas sa 2,499 mula sa 2,142-hour requirement.
Paliwanag ni Dr. William Medrano, CHED Executive Director, sa kanilang pagsasanay ay parang hilaw pa umano ang mga nursing graduate pagdating sa mga clinical experience kaya mas kailangan umano silang hasain sa parteng iyon upang mas lalong maging competent.
Samantala mariin namang binatikos ng ibat-ibang private school ang CHED sa paglabas nito ng dagdag curriculum sa nursing course na sisimulan sa school year 2009-2010.
Ayon kay Ines Basaen, program officer ng Cocopea, ang 33 units na dagdag sa nursing curriculum at dagdag oras sa practicum ay nangangahulugan na dagdag gastos sa mga estudyante at magulang.
“Six to eight hours a day and six days a week. If this will over burden the students, we’re not producing quality students even if you say that the curriculum or program is quality in terms of content or program,” pahayag ni Basaen. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending