Re-enactment sa Lozada ‘kidnapping’ isasagawa ngayon
Nakatakdang magsagawa ngayong araw ng re-enactment ang Department of Justice (DOJ) sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 upang personal na imuwestra ng ZTE star witness na si Rodolfo “Jun” Lozada Jr. ang sinasabi nitong nagkaroon ng panggigipit, pananakot at pangingidnap sa kanya ng mga opisyal ng pamahalaan at nagsilbing mga escort nito sa kanyang pagdating sa bansa galing Hong Kong noong Pebrero 5, 2008.
Pangungunahan ni City Prosecutor Emily Fe delos Santos at State Prosecutor Misael Daga ang DOJ 9-man investigating panel ang re-enactment at ocular inspection mula sa tube kung saan unang umapak ang mga paa ni Lozada mula sa eroplano hanggang sa idaan siya sa tarmac kung saan nag-aantabay sa kanya ang isang sasakyan na kinalululanan naman nina MIAA Asst. General Manager for Emergency and Security Services ret. Gen. Angel Atutubo, MIAA official Bing Lina, isang SPO4 Roger Valeroso na nalaman sa huli na isang Rodolfo Valeroso, intelligence agent ng Aviation Security Group ASG at ilang miyembro ng Presidential Security Group hanggang sa tangayin ito at dalhin sa Makati area at Laguna.
Tiniyak naman ni Atty. Jose Diokno, tumatayong abogado ni Lozada na darating ang kanyang kliyente sa nasabing re-enactment at ocular inspection dakong alas-2 ng hapon ngayon.
Ilan sa mga pagbabasehan sa re-enactment ay ang video footage na kuha ng airport security camera na pinag-aaralan ngayon ng DOJ panel.
Sinabi ni Lozada na kabilang sa isinampa nito ang kasong attempted murder dahil sa ginawang “throat slitting gesture” habang iniiskortan at tangayin umano siya palabas ng airport.
Naging kontrobersyal si Lozada matapos na lumutang ito at ipahayag ang kanyang nalalaman ukol sa maanomalyang $329 million NBN-ZTE project. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending